Pagmarka ng Inyong Balota
Alamin kung paano markahan ang mga kard ng inyong papel na balota, at kung paano bumoto para sa mga lokal na kandidato gamit ang pagboto na inaantas ang mga kandidato.
Para alamin ang tungkol sa mga ispesipikong kandidato at panukala sa balota, bisitahin ang pahinang Ano ang Nasa Balota?
Para tingnan ang inyong halimbawang balota, gamitin ang Paraan sa Pagtiyak sa Lugar ng Botohan at Halimbawang Balota.
Mga Instruksiyon sa Pagboto
Bilingwal ang lahat ng mga balota ng San Francisco, kung saan bawat isa ay nakasulat sa Ingles at sa isa pang ibang wika: Tsino, Espanyol, o Filipino. Tatanggap ng balota sa Ingles at sa kanilang pinapaborang wika ang mga botanteng nagpaalam ng kanilang pinapaborang wika sa Departamento.
Tatanggap kayo ng papel na balota maliban na lamang kung humiling kayong gamitin ang makina para sa aksesibilildad sa pagboto sa inyong lugar ng botohan o sa Sentro ng Botohan sa City Hall.
Mababasa sa itaas na bahagi ng bawat kard ng balota ang mga instruksiyon kung paano markahan ang inyong mga pinili sa bawat labanang makikita sa kard. Sa bawat labanan, makikita sa itaas ng listahan ng mga pangalan kung gaano karaming kandidato ang maaari ninyong piliin.
Pagmarka ng Inyong Papel na Balota
Para markahan ang inyong boto para sa isang labanan o panukala, gumamit ng panulat na may itim o asul na tinta, o ng #2 na lapis, at kumpletuhin ang arrow na nakaturo sa pinili ninyo. Siguraduhing pagkonektahin ng buo ang magkabilang dulo ng arrow para maipakita ang inyong pinili.

Kumpletuhin ang arrow gaya ng ipinakikita
Maaari kayong bumoto sa lahat ng mga labanan kung saan kayo ay may karapatan. Kung hindi ninyo gustong bumoto sa isang partikular na labanan o panukala, hayaang blangko ang labanan o panukalang iyon. Mabibilang pa rin ang mga boto ninyo para sa ibang mga labanan at panukala.
Tandaan na kung magmamarka kayo ng mas marami sa bilang ng mga kandidatong dapat markahan para sa isang labanan, o kung minarkahan ninyo parehas ang “OO” at “HINDI” sa labanan para sa panukala, hindi mabibilang ang boto ninyo para sa naturang labanan o pagpili.
Pagkatapos ninyong markahan ang inyong balota, pag-aralan ninyong muli ang magkabilang pahina ng bawat kard ng balota para matiyak na wala kayong nakaligtaang labanan o panukala kung saan nilayon ninyong bumoto.
Bumoboto ba kayo sa pamamagitan ng koreo? Bisitahin ang pahina para sa pagboto sa pamamagitan ng koreo para sa impormasyon tungkol sa pagkumpleto at pagbabalik ng sobreng naglalaman ng inyong balota para sa pagboto sa pamamagitan ng koreo.
Pagboto sa Pamamagitan ng Pag-antas ng mga Kandidato
Sa pagboto sa pamamagitan ng pag-antas ng mga kandidato, maaaring mag-antas ang mga botante ng hanggang sa tatlong kandidato para sa isang katungkulan, ayon sa kanyang kagustuhan. Nagbibigay-daan ito para makapaghalal ng mga lokal na opisyal sa pamamagitan ng boto ng mayorya, nang hindi kinakailangan ng hiwalay na runoff na eleksyon (eleksyon para sa mga nangungunang kandidato lamang). Ipinasa ng mga botante ang Pagboto sa Pamamagitan ng Pag-antas ng mga Kandidato bilang pag-amyenda sa Karta ng Lungsod ng San Francisco noong Marso 2002.
Mga Labanang Gumagamit ng Pagboto sa Pamamagitan ng Pag-antas ng mga Kandidato
Bumoboto ang mga botante ng San Francisco sa pamamagitan ng pag-antas ng mga kandidato para maghalal ng mga kinatawan para sa mga sumusunod na lokal na katungkulan:
- Mayor
- Tagatasa-Tagatala
- Abugado ng Lungsod
- Abugado ng Distrito
- Pampublikong Tagapagtanggol
- Sheriff
- Ingat-Yaman
- Mga Miyembro ng Lupon
ng mga Superbisor
Para alamin kung kailan makikita ang mga labanang ito sa inyong balota, bisitahin ang pahina tungkol sa Mga Susunod na Eleksyon.
Mga Instruksiyon sa Pagmarka sa mga Labanan kung saan Kinakailangan ang Pagboto sa Pamamagitan ng Pag-antas ng mga Kandidato
Para sa mga labanang gumagamit ng pagboto sa pamamagitan ng pag-antas ng mga kandidato, nakalista ang pangalan ng lahat ng mga kuwalipikadong kandidato sa tatlong inuulit na hanay sa balota.
- Piliin ang inyong unang-gustong kandidato sa unang hanay mula sa kaliwa sa pamamagitan ng pagkumpleto ng arrow na nakaturo sa inyong pinili.
- Para sa inyong pangalawang-gustong kandidato, pumili ng ibang kandidato sa pangalawang hanay sa pamamagitan ng pagkumpleto ng arrow na nakaturo sa inyong pinili.
- Para sa inyong pangatlong-gustong kandidato, pumili ng ibang kandidato sa pangatlong hanay sa pamamagitan ng pagkumpleto ng arrow na nakaturo sa inyong pinili.
Nakalista ang mga kandidato sa kaparehong pagkakasunod-sunod sa bawat hanay. Kahit piliin ninyo ang kaparehong kandidato sa higit sa isang hanay, isang beses lamang mabibilang ang boto para sa kandidatong iyon.
Hindi kinakailangan, subalit maaari kayong mag-antas ng hanggang sa tatlong kandidato para sa bawat katungkulang gumagamit ng pagboto sa pamamagitan ng pag-antas ng mga kandidato. Kung mas kaunti sa tatlo ang mga kandidatong tumatakbo para sa isang katungkulan, o kung gusto ninyong mag-antas ng mas kaunti sa tatlong kandidato, hayaang blangko ang mga natitirang hanay.
Para sa karagdagang impormasyon, panoorin ang video ng instruksiyon para sa pagboto sa pamamagitan ng pag-antas ng mga kandidato, o i-download ang isang balotang pang-demonstrasyon.
Paano Binibilang ang mga Inantas na Boto
Sa pagtatala ng mga resulta, unang bibilangin ang bawat unang-piniling kandidato. Kung may kandidatong makakukuha ng mayorya, na mahigit sa 50% ng mga boto para sa unang-pinili, panalo ang kandidatong iyon sa labanan.
Kung walang kandidatong makakuha ng mahigit sa 50% ng mga boto para sa unang-pinili, aalisin ang kandidatong may pinakakaunting boto bilang unang-pinili. Malilipat ang boto ng mga botanteng pumili sa naalis na kandidato sa kanilang pangalawang-pinili. Matapos nito, bibilanging muli ang mga boto. Kung makakuha ng 50% ng mga boto ang isang kandidato, panalo ang kandidatong iyon.
Kung wala pa ring kandidatong makakukuha ng 50% ng mga boto, magpapatuloy ang proseso ng pag-aalis ng mga kandidato at paglilipat ng mga boto sa kasunod na iniantas na kandidato hanggang makakuha ng boto ng mayorya ang isang kandidato.
Mga Isinusulat-Lamang na Kandidato
Ang kuwalipikadong isinusulat-lamang na kandidato ay isang taong nakapagsumite ng mga itinakdang dokumentong kailangan sa pagtakbo para sa isang katungkulan subalit hindi makikita sa balota ang pangalan. Ang tanging mabibilang na mga botong isinusulat-lamang ay iyong mga boto para sa mga kuwalipikadong kandidato.
Makukuha ang listahan ng mga kuwalipikadong isinusulat-lamang na kandidato (PDF) online mga 10 araw bago ang bawat eleksyon. Mayroon ding kopya ng listahang ito sa bawat lugar ng botohan at sa Sentro ng Botohan sa City Hall.
Para bumoto sa isang kuwalipikadong isinusulat-lamang na kandidato, isulat ang pangalan ng tao sa blangkong espasyo sa dulo ng nakalistang mga pangalan ng kandidato, at kumpletuhin ang arrow na nakaturo sa kung saan nakasulat ang pangalan ng isinusulat-lamang na kandidato.

Para mabilang ang inyong isinulat-lamang na boto, kailangan ninyong kumpletuhin ang arrow