Schedule ng Pag-uulat ng mga Resulta
Sa Gabi ng Araw ng Eleksyon, naglalabas ang Departamento ng mga Eleksyon ng ilang mga buod na ulat ng resulta ng eleksyon. Ang mga ulat na ito ay pauna lamang, dahil may mga balota pang ipoproseso ang Departamento matapos ang Araw ng Eleksyon, kabilang ang:
- Mga vote-by-mail na balota na inihulog sa Sentro ng Botohan sa City Hall, sa mga estasyon na hulugan, o sa mga lugar ng botohan
- Mga vote-by-mail na balota na may postmark hanggang Araw ng Eleksyon at natanggap sa loob ng pitong araw matapos ang Araw ng Eleksyon
- Mga balotang binotohan sa Sentro ng Botohan sa City Hall sa panahon ng Rehistrasyon para sa Kondisyonal na Botante
- Mga hindi napirmahang vote-by-mail na balota na naremedyuhan ng mga botante nang hindi lalagpas ng dalawang araw bago masertipika ang mga resulta ng eleksyon
- Mga probisyonal na balota
- Mga balotang may botong isinusulat-lamang
Bukas sa obserbasyon ng publiko ang pagproproseso ng mga balota, sa personal man sa tanggapan ng Departamento sa City Hall, o sa panonood ng live ng mga gawaing pang-eleksyon sa pahinang Obserbahan ang Proseso ng mga Eleksyon. Magiging pinal ang mga resulta matapos maiproseso ang lahat ng mga balota, at sertipikahan ng Departamento ang eleksyon.
Pag-uulat ng mga Paunang Resulta
Nagsisimulang mag-ulat ang Departamento ng mga paunang resulta, sa gabi ng Araw ng Eleksyon, matapos magsara ang lahat ng mga lugar ng botohan.
Pag-uulat ng mga Paunang Resulta matapos ang Pagsasara ng Botohan sa Gabi ng Araw ng Eleksyon
Mga 8:45 p.m., maglalabas ang Departamento ng unang paunang buod na ulat ng resulta ng eleksyon. Laman ng ulat na ito ang resulta mula sa mga balota para sa pagboto sa pamamagitan ng koreo, na natanggap at iprinoseso ng Departamento bago ang Araw ng Eleksyon. Kasabay ng unang buod na ulat na ito, maglalabas din ang Departamento ng paunang Pahayag ng mga Boto; ng isang ulat ng pagboto sa pamamagitan ng pag-antas ng mga kandidato, na may imahe ng mga balota; ng ulat ng bilang ng pagboto sa mga presinto; at ng ulat ng bilang ng pagboto sa mga komunidad.
Mga 9:45 p.m., maglalabas ang Departamento ng ikalawang buod na ulat ng mga resulta, at kabilang dito ang mga botong inihain sa mga lugar ng botohan.
Mga 10:45 p.m., maglalabas ang Departamento ng ikatlong buod na ulat ng mga resulta
Matapos na makapag-ulat ang lahat ng mga lugar ng botohan sa gabi ng Araw ng Eleksyon, maglalabas ang Departamento ng ikaapat na buod na ulat, pati na ang ikalawang paunang Pahayag ng mga Boto; ng isang ulat ng pagboto sa pamamagitan ng pag-antas ng mga kandidato, na may imahe ng mga balota; ng ulat ng bilang ng pagboto sa mga presinto; at ng ulat ng bilang ng pagboto sa mga komunidad.
Pag-uulat ng mga Paunang Resulta matapos ang Araw ng Eleksyon
Magpapatuloy ang pagproseso ng mga balota matapos ang Araw ng Eleksyon hanggang mabilang ng Departamento ang mga elihibleng boto sa lahat ng mga balota. Sa bawat araw ng pagbilang ng mga balota, maglalabas ang Departamento ng mga pinakabagong ulat ng resulta humigit-kumulang 4 p.m. Sa mga araw na hindi magbibilang ng balota, maglalabas ng balita sa media (press release) ang Departamento na walang ilalabas na ulat ng mga resulta sa araw na iyon.
Mga Uri at Porma ng Dokumento ng mga Paunang Ulat ng mga Resulta
Sa mga una at huling pag-uulat sa gabi ng Araw ng Eleksyon, at sa 4 p.m. ng anumang araw matapos ang Araw ng Eleksyon kung kailan binibilang ang mga balota, maglalabas ang Departamento ng mga sumusunod na ulat:
- Pahayag ng mga Boto, na nagpapakita ng mga botong inihain sa mga lugar ng botohan at sa koreo sa bawat presinto, kabilang ang bilang sa mga komunidad at mga distrito, sa sumusunod na mga porma:
- Excel
- TSV (tab-separated values)
- Teksto (Raw Text)
- Mga ulat para sa lahat ng labanan na kinailangan ng pagboto sa pamamagitan ng pag-aantas, kabilang ang mga labanan kung saan mayroong mga nangungunang mayorya, at nagpapakita ng eliminasyon ng mga kandidato hanggang dalawang kandidato na lang ang matira, sa sumusunod na mga porma:
- Dokumento ng imahe ng mga balota sa pormang teksto
- Mga ulat ng eliminasyon sa pormang HTML na talaan
- Detalyadong mga ulat ng eliminasyon sa pormang PDF
- Bilang ng Pagboto sa Komunidad
- Bilang ng Pagboto sa Presinto
- Mapa ng mga Pagboto sa Presinto
Lalapatan ng Departamento ng SHA-512 na cryptograph (kodigo para sa pagtitiyak ng ligtas na komunikasyon) para makagawa ng mga representanteng numero (hash values) sa bawat ulat. Beripikasyon ang prosesong ito na maaasahan at hindi binago ang mga resultang ipinapaskil sa website ng Departamento.
Pag-uulat ng mga Pinal na Resulta
Maglalabas ang Departamento ng pinal na resulta ng eleksyon nang hindi lalampas sa katapusan ng panahon ng pagbibilang, gaya ng itinatakda ng batas para sa eleksyon ng estado. Matapos masertipikahan ang resulta ng eleksyon, ihahatid ng Departamento ang sinertipikahang pahayag ng mga resulta at mga kaugnay na dokumento sa Clerk ng Lupon ng mga Superbisor, at ng Kalihim ng Estado, at ipapaskil ang mga dokumento sa sfelections.org. Para naman sa mga paunang resulta ng eleksyon, lalapatan ng Departamento ng SHA-512 na cryptograph (kodigo para sa pagtitiyak ng ligtas na komunikasyon) para makagawa ng mga representanteng numero (hash values) sa bawat ulat. Beripikasyon ang prosesong ito na maaasahan at hindi binago ang mga resultang ipinapaskil sa website ng Departamento.
Dagdag pa dito, ipapaskil ng Departamento ang mga pinal na resulta sa labas ng tanggapan ng Departamento, sa City Hall, Room 48, at maglalabas din ng press release, at mga notipikasyon sa Twitter at Facebook, na sertipikado na ang mga resulta ng eleksyon.
Saan Makikita ang mga Resulta
Makukuha ang mga resulta ng eleksyon sa mga sumusunod:
- Sa pahina ng Buod ng mga Resulta ng Eleksyon sa sfelections.org – lahat ng mga ulat ng mga resulta, kabilang ang paunang Pahayag ng mga Boto, bilang ng pagboto sa mga presinto, at bilang ng pagboto sa mga komunidad, ay ipapaskil sa website ng Departamento, at magkakaroon din ng link sa resulta sa buong estado sa website ng Kalihim ng Estado
- Sa Telebisyon ng Gobyerno ng San Francisco – Mag-uulat ang SFGTV, Channel 26, ng mga buod ng mga resulta ng San Francisco sa gabi ng Araw ng Eleksyon bilang pambanderang balita sa pagpoprograma ng SFGTV
- Sa City Hall, North Light Court sa gabi ng Araw ng Eleksyon – may malaking screen na magpapalabas ng programa ng SFGTV, na magpapakita ng buod ng mga resulta ng San Francisco; mga naka-print na kopya ng ulat ng buod ng mga resulta na makukuha mga 8:45 p.m., na may mga update na makukuha ng mga 9:45 p.m., 10:45 p.m., at 11:30 p.m.
- Sa Departamento ng mga Eleksyon, City Hall, Room 48 – makakukuha ng mga naka-print na ulat ng mga resulta sa bungan ng tanggapan ng Departamento (hindi ipi-print ang paunang Pahayag ng mga Boto dahil sa haba nito)
- Sa social media sa: Twitter @sfelections at Facebook.com/sfelections